Setyembre 2, 2023 – Matagumpay na idinaos ng UA&P katuwang ang Unibersidad ng Santo Tomas (UST) ang Seminar Worksyap sa Pagsasalin na isinagawa sa Dining Hall 1 at 2 ng UA&P mula 8:00 n.u. – 12:00 n.t. Layunin ng gawaing talakayin ang mga konsiderasyon at hamon sa pagsasalin ng mga akdang pang-Humanidades sa mga piling akda na, “On the Intellectual Beauty” ni Plotinus, “On the Sublime” ni Longinus, at “Ars Poetica” ni Horace.
Tampok sa nasabing gawain ang kolaborasyon sa pagsasalin ng mga guro ng UST-Sentro sa Salin at Araling Salin (SAAS) sa pangunguna ni Dr. Wennielyn F. Fajilan, tagapangulo ng UST-SAAS, at pagpapahusay ng proyektong salin ng UA&P sa pangunguna ni Dr. Moreal N. Camba, tagapangulo ng Kagawaran ng Filipino.

(mula sa kaliwa) G. Errol John Velasco, Bb. Jessica Reyes, G. Louise Vincent Amante, G. Angeles, Dr. Cortez, G. Trogo, Dr. Camba, Dr. Fajilan, Dr. Leodivico Lacsamana, at G. Albert Lagrimas.
Pinasigla pa ang gawain mula sa iba’t ibang panayam sa paksang “Pangangasiwa ng Kolaboratibong Salin” ni G. John Dale V. Trogo, at “Pamantayan sa Pagsusuri ng Salin” ni Dr. Wennielyn F. Fajilan at sinundan ng pangkatang worksyap ng inisyal ng mga akdang salin na pinangasiwaan nina G. Mark Anthony S. Angeles, at Dr. Franz Guiseppe F. Cortez. Sinundan naman ito ng pag-uulat sa ginawang salin at malayang talakayan sa pagitan ng mga guro mula sa dalawang unibersidad.
Ang gawaing ito ay pagpapatuloy ng Palitang Salin: Benchmarking at Campus Tour ng Kagawaran ng Filipino ng UA&P noong Hulyo 6, 2023 sa UST.